« tula : roy v. aragon »
SA IYO: ALAY-TULA MULA SA PUNTOD-ALAALA
1.
itong makata ng puso mo'y muling babangon
iigkas na kalansay mula sa nitso ng limot.
pagnanasa'y tag-araw uling lulusaw sa puntod-alaala
papagningasin, papagliyabin ang sulo ng isip
matititik na matititik muli, ang muling pag-ibig.
itong makata ng puso mo'y muling babangon.
papagningasin, papagliyabin ang sulo ng isip
iluluwa'y apoy, tutupokin iyang alaala
ang noo'y natitik, matititik na matititik
muli, ang muling pag-ibig sa kabila
ng hapdi't sumpa sa bangkay ng alaala
iigkas na kalansay mula sa nitso ng limot,
itong makata ng puso mo'y muling babangon.
2.
matititik na matititik, muli, ang muling pag-ibig
iluluwa'y apoy, tutupokin iyang alaala
sa mga noo'y gabi ng hikbi't deliryo
at bukang-liwayway ng kiliti't tuksuhan
at umaga ng kunwa-kunwariha't biruan.
mga takipsilim noong may aayaw-ayaw at takot
mga dapit-gabing sumalok sa ultimong hamog
iigkas na kalansay mula sa nitso ng limot,
itong makata ng puso mo'y muling babangon.
3.
mga takipsilim noong may aayaw-ayaw at takot
ngayong itong makata ng puso mo'y babangon
papagningasin, papagliyabin ang sulo ng isip
iluluwa'y apoy, tutupokin iyang alaala
sa mga noo'y gabi ng hikbi't deliryo
na luha't dugo't pawis ay umagos,
mga dapit-gabing sumalok sa ultimong hamog.
matititik na matititik, muli, ang muling pag-ibig:
ang noong mga bukang-liwayway ng kiliti't tuksuhan
at umaga ng kunwa-kunwariha'at biruan
sa kabila ng hapdi't sumpa sa bangkay ng alaala,
muli, itong makata ng puso mo'y babangon.
muli, itong makata ng puso mo'y babangon.