« tula : roy v. aragon »
NABABASAG ANG BUNGO KO
1.
Nababasag ang bungo ko
sa alaala.
May mga kalansay na di mailibing
ng ngiti.
Kandilang di maagnas ang nakaraan
sa karimlan
ng ngayon, at bangkay na lalamayin
ang alaala.
Lalaya ang mga buntung-hininga sa kabaong ng limot
nang malay.
Subalit lupa na ang dibdib, ang damdamin ay
alabok na.
Ang krus ay dumapa na
sa tinalahib
na libingan ng umagang pinaslang ng
mga umaga.
2.
May
Mga kalansay na di mailibing ng ngiti.
Mababasag ang bungo sa alaala: sabik
ang mga bintana at pintuan sa katok
at halik ng mga paa sa hagdan.(Kahit
ang mga basahan, pinakahihintay ang mga talampakang
hihimas, lalamas-malinis man o hindi.) Kandilang
di maagnas ang nakaraan sa karimlan ng ngayon.
Subalit
mabubuhay pa kayang muli ang tiwala
sa mga malamig nang kalan
at nagtatampo nang kama at hapag-kainan?
Naghari na ang mga basag na bote at salamin,
alambreng may tinik, matutulis na bakal sa ibabaw
ng mga dati'y malambing at malambot na pader. (Kahit
ang mga pintuan, guwardiyado na ng mga mapagduda
at walang tiwalang mga sikyu na nansusupetsa,
nanririkisa, di basta nagpapapasok sa kahit
na sinomang pinakamabait.) Lalaya ang mga buntung-hininga
sa kabaong ng limot nang malay.
Mababasag
ang bungo sa alaala subalit lupa
na ang dibdib, alabok na ang damdamin: kahit
na uso sa ngayong ipinapakita ang sagradong
puson ng dalaga, wala nang lilibogang dugo
o pawis. (Kahit ang mga hati sa maputing hita
at mayamang dibdib, o kahit mababakat na panti
sa malapad, matambok na puwitan, o kahit mabalbong
batok, wala nang yabang o anyaya.) May
mga kalansay na di mailibing ng ngiti, ang krus
ay dumapa na sa tinalahib
na libingan ng umagang pinaslang
ng mga umaga.