« sanaysay : roy v. aragon »
ANG PANITIKANG ILUKO SA PAKIKIISA AT PAKIKIPAGBUO SA PANITIKANG PILIPINO SA WEB
Una akong nag-attempt o nangahas na ilagay o ilagak o iimbak sa Web ang sarili kong mga akda, ilang mga maikling kuwento, tula at sanaysay sa Iluko, noong 1996--nang nagkaroon ng Internet connection ang unibersidad na pinagtatrabahuhan ko. Naatasan akong gagawa ng website ng aming unibersidad, at kasabay nito, isinisingit ko rin sa aking libreng oras ang paggawa ng aking personal homepage sa GeoCities.com.
At ano pa ba naman ang mga bagay na mailalagay sa isang personal na website ng isang writer kundi ang kanyang mga sinulat? At sapagkat personal na website (na sa mga panahong iyon ay siyang "in" o pinagkakalokohan/pinagkakaabalahan lalo na ng mga newbies pa sa Web na gawin para lang masabing mapabilang din sa tinatawag na cyberspace a matawag na cybernetizens), wala akong iniisip na ang paglalagay ko doon ng aking mga akda ay para ilathala ang mga ito para mabasa. Puwedeng akusahang isa ring porma ito ng vanity publishing, subalit ang tanging layunin ko noon ay para lang magkaroon din ako ng kopya ng aking mga sinulat sa ibang lalagyanan o sisidlan maliban sa aking harddisk sa computer o diskette--parang backup ng aking mga files na aking matutunghayan din kahit pa sa cyberspace.
Na maari ding ipatunghay at/o matunghayan ng iba, sadya o di sinasadya, nang magkaroon na ako ng mga online na kaibigang mga Ilokano mula sa iba't-ibang panig ng mundo na karamihan ay nakatagpo sa aking website mula sa kung saan.
Noong 1997, sa kolaborasyon namin ng isa kong online na kaibigang manunulat din at computer especialist na Ilokanong taga-Hawaii, sinimulan namin ang Burnay E-zine na pinapaniwalaan naming siyang una o naunang Iluko literary electronic magazine o webzine. Kung bakit namin ito inilathala sa Iluko ay sa kadahilanang noon ay naglipana na ang mga Pinoy ezine sa English at maging sa Filipino (kagaya ng Akda literary e-zine ni Ria Roncales-Goodwin) at nararapat lang na mayroon din sa Iluko. Higit sa lahat, kami mismo'y mga Ilokano writers na karamihan, kundi man lahat, ng sinusulat ay sa Iluko.
Karamihan sa mga inilalathala namin sa Burnay ay mga sarili na rin naming akda sapagkat mahirap namang maghagilap o maghikayat ng mga contributors na hihingan mo ng akda na di mo naman mababayaran at ang tangi niyang konswelo ay ang bagay na malalathala siya sa Internet, sa cyberspace--sa elektronik o digital na paraan. Karamihan sa mga writers sa Burnay ay mga Ilokano sa abroad, lalo na sa Hawaii. At karamihan sa mga readers ay mga taga-abroad din.
Mula Enero 1997 ay buwanan ang labas ng Burnay ngunit nitong 1999 at 2000 ay di na regular na lumabas kada buwan ang Burnay dahil sa maraming ibang pagkakaabalahang nakaapekto sa sigasig at tiyaga sa paglalathala nito sa katotohanang isa o dalawa, kalimita'y iisa lang talaga, ang taong kumikilos sa paglalathala nito. Normal lang naman ito sapagkat sa mga literary webzines ngayon, karamiha'y karaniwan nang iisang tao ang nagpapatakbo. Maliban lamang sa mga webzines na itinataguyod ng mga samahan o yaong mga e-commercialized. Matatawag pa rin sigurong vanity publishing kasi nga personal pa rin ang dating subali't kung tutuusin naman ang sakripisyong ibinubuhos dito ay makikita talaga ang sinseridad at determinasyon sa pagsusulong ng hilig o katangian. Mahalaga rin ang ganitong praktis o attitude sa pangkalahatang pagsusulong na rin ng pambansang hilig at katangian sa panitikan, sa Web man o hindi.
Ngayon, nababanggit ang lahat na ito sa puntong masyado na yatang personal, subalit hindi naman sa inaangkin o ipinapakahulugan ko na ang pagkakaroon o unang pagkakaroon ng panitikang Iluko sa Web ay aking kagagawan. Aksidental lamang marahil na sa mga nagsusulat sa Iluko na unang nakakilala sa Internet ay ako iyong nangahas na maglagay ng aking mga akdang Iluko sa web, at isa rin sa mga nagpanimula sa pagkakaroon ng parang alternatibong pahayagan o magasing pampanitikan sa Web para sa mga Ilokanong cybernauts at netizens.
Kung tutuusin, personal o pansariling layon o hangad lamang ang nagbunsod sa akin upang gawin ito alinsunod sa kalikasan o interes ko bilang isang manunulat na Ilokanong nagsusulat sa Iluko. Kagaya rin ng pakay ng marami pang ibang may nga website na nagpi-feature ng kanilang mga gawa sa arte o literature sa kanilang homepage.
Pero kaiba o naiiba ang pagkakaroon ng online edition/version ng BALIKAS, ang opisyal na pahayagan ng GUMIL Filipinas. Kahit na ako pa rin ang gumagawa sa pagsasalin nito sa pormang HTML at sa maintenance ng site nito, ang BALIKAS Online ay hindi na gawaing pampersonal o sariling punyagi dahil may mga patnugot na namamahala rito at ito'y opisyal na tagapamansag ng isang malaki at aktibong samahan ng mga manunulat. Ito na marahil--ang existence ng online na publikasyon at ng online na identity na rin ng GUMIL--ang masasabing pangunahing kumakatawan sa pagkakaroon sa ngayon ng panitikang Iluko sa Web na siyang nagdadala sa iba pang mga websites na naglalaman ng mga akdang Iluko. Kumbaga, sa ngayon, ang BALIKAS Online ang "mother of all Iluko literary websites."
Ang kalagayan ng panitikang Iluko sa Web sa lagay ng panitikang Pilipino sa Web
Ang hinaharap at kinakaharap na posibilidad/potential at mga problema/limitasyon ng panitikang Iluko sa Web ay kaugnay din ng mga karanasan at kabuuan ng pambansang panitikang nasa Web sa ngayon bilang bahagi at kaisa nito.
Isang pangunahing sagwil o nakahahadlang sa paglago o paglawak o pagka-appreciate sa panitikang nasa Web ay ang awareness at/o acceptance sa medium na ito. Problema pa rin ang pagpapalaganap o pagmomobilisa sa impormasyon kung ang balak mo ay isang eksklusibong web only na ilalabas na publikasyon, akda, e-book at iba pa. Problema pa rin ang bagay na iilan pa rin lang ang may access o connection sa Internet. Problema pa rin ang interest na mag-internet para lamang magbasa ng online na magasin o libro. Sa karamihang nagda-dialup connection lamang o nagbabayad ng oras sa cybercafe, maituturing nang luho ang magbabad kang mag-surf para lamang magbasa kung meron namang printed nang version halimbawa ng online magazine na tinutunghayan mo. Problema pa rin ang nakasanayan nang comfort o convenience sa pagbabasa na lang ng printed na mga magazine o libro.
Sa panitikang Iluko, malaking problema ito dahil halos lahat ng tumatangkilik na mga readers ay sanay at komportable sa Bannawag Magazine--na nakakakilala lamang sa panitikang Iluko sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bannawag at ilang libro ng GUMIL. At halos lahat ng mga ito ay mga karaniwang Ilokanong nasa mga nayon o maliliit na bayan na halos hindi pa kilala ang Internet. Mayroon ngunit iilan lang ang mga may access o umaakses sa Web at karamihan pa rin ay ang mga nasa lungsod at sa abroad kung saan sagana sila sa gamit at kaalaman at interes na rin para gamitin ang Internet.
Kung kaya't nais kong lubos na paniwalaang sa ngayon, sa Pilipinas, ay masasabing "pang-elite" pa rin o para pa rin lamang sa mga "techno-literati" at mga literary scholars ang gawain o practice na mag-surf sa Web para lang mag-akses ng mga literary sites at materials.
Ang isa pang nakikita kong problema ay ang question mismo sa literary quality ng mga akdang matatagpuan o nakalathala sa Web. Sapagkat sa ngayon, karamihan sa mga literary writings (tula, maikling kuwento, sanaysay, pati nobela), sa English man o Filipino o iba pang bernakular, ay matatagpuan sa mga personal homepages ng mostly ay amateur authors. Maliban siyempre doon sa mga matatagpuan sa mga online version ng mga kilalang literary magazines, mga establisadong webzines o mga sites ng mga kilalang writers at writers groups, kagaya ng Likhaan Online, Natives' Wish, LegManila, Localvibe at iba pa. Ang tanong ay kung nararapat bang may pamantayang susundin para mapabilang o maging deserving ang isang partikular na site o akda bilang bahagi ng Philippine literature sa Web o para matawag na literary ito. Nang i-post ko ang katanungang ito sa isang literary newsgroup ay ganito ang opinyon ng isang member: "Maihahambing ang web publishing sa isang hilig ng Pinoy: karaoke singing. May standard ba? Wala. May laya ang lahat na ilathala ang kanyang mga obra kahit wala sa pamantayan ng sining ang kanyang mga nilikha. Katulad sa pagkanta sa karaoke, ang 'web-publishing-of-my-works' ay isang kahiligan at sa di-inaasahang larangan, pagtataguyod na rin ng pop literature. Totoong di lahat ng nagsasabing literary websites ay 'literary' in the strict sense of the word. Pero para ding karaoke iyan. Minsan, pangit ang boses ng kumakanta, pero dahil sa kumakanta siya at taglay ang buong damdamin ng awit, sumusunod na rin ang sa iyo ang saliw ng kanta."
Gusto kong sang-ayonan ang pananaw na ito dahil sa ngayon, karamihan pa rin sa literary websites ay mga personal homepages at hindi nga naman mapupuna ang literariness ng mga nakalagay dito o kaya i-challenge ang paniniwala o batayang pampanitikan ng may-akda dahil in the first place, personal niyang teritoryo ang kanyang website, personal niya iyong opinyon at pagpapraktis ng kanyang kalayaang maghayag ng damdamin o ng hilig. At saka hindi naman sila mga professional writers at wala silang balak maging professional o maging isang magaling na writer. Kung tatanungin mo ang kanilang objective o kung ano ang mga konsepto nila ng pagsusulat at paglalathala ay maaring sasagutin ka ng "wala lang, trip ko lang maglikha at wala akong pakialam sa lite-literaturang pinagsasabi mo."
Ang nasisilip kong importansiya ng ganitong effort o hilig, maturingan mang vanity publishing ang ganito, ay ang pagpapalaganap at pagpapalawak sa saklaw at nasasakupan ng panitikang Pinoy sa cyberspace. At isa pa'y ang pagpapasigla na rin at paglinang sa kakayahang pagkamanunulat ng maraming Pinoy. Ang konsolasyon nating mga kumikilala at nakakakilala sa tunay na matatawag na literary ay ang bagay na hindi naman lahat ng mga akdang Pinoy na matatagpuan sa Web ay questionable dahil marami-rami na rin namang mga literary professionals na nakiki-ambag sa pagbuo ng literaturang pambansa sa Web.
Ang panitikang Pinoy sa Web tungo sa e-panitikan
Sapagkat nandiyan na't masasabing matatag at panatag nang nasa Web ang literaturang Pinoy, ano naman kaya ang mga maari pang gawin bukod sa lalong pagpupunyagi ng ating mga concerned na writers upang maging mga "e-writers " na at lagyan na rin ng "e" ang kanilang ginagawa para maging "e-works" at ang panitikang Pinoy para maging "e-panitikan"?
Nasa Web na rin lamang na matatawag at naturingan, ang isang inaasam kong mangyari o masimulan na rin sa panitikang Pinoy ay ang pagsubok o paglinang sa tinatawag na "e-literature" o "electronic literature" sa tamang depinision o anyo ng terminong "electronic." Sa ngayon, ang panitikan nating nasa Web ay yaon pa ring traditional na porma ng panitikan. Oo nga't masasabi nang high-tech ito o digital kasi nasa computer na't cyberspace o kaya nasa pormang e-book na matutunghayan lamang sa PC, Mac, Palm, Pocket PC o e-book reader ang isang akda, hindi pa rin ito matatawag na e-literature dahil ang pagkaka-prepare o pagkaka-package lamang ang electronic at hindi ang anyo nito.
Sa definition ng Electronic Literature Organization sa U.S., ang "electronic literature" ay mga bagong anyo ng panitikan na gumagamit at naglilinang sa mga kakayahan at kapangyarihan ng teknolohiya upang gumawa at magsagawa ng mga pampanitikang bagay na hindi magagawa sa paglilimbag. Ito'y ang mga akdang sa computer o Internet lamang nakatira at matutunghayan. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:
Sa U.S. at iba pang dako, usong-usong na ang e-literature o ang mga experimentations sa ganitong porma ng panitikan. Hindi ko lang alam kung may mga Pinoy writers/artists nang gumagawa/nagsasagawa ng ganito dito sa Pilipinas. Sa ganang akin, kung seryoso tayong lalong palaguin ang mga nasimulan na nating pampanitikang gawa at punyagi sa Web ay panahon na rin para subukan natin, o kung nasubukan na, ay pagyamanin at lalong pag-ibayuhin natin ang pormang e-literature kaakibat ng ating lalo ring pagpapaunlad sa traditional na porma ng panitikan. Naniniwala akong dahil sa interactive na taglay at layunin ng e-literature-lalo na doon sa parteng may kinalaman o kolaborasyon ang mga mambabasa mismo, mas lalo pa nating mapapalawak ang saklaw at abot ng ating pambansang panitikan, lokal man o global.
Panahon nang maging e-manunulat at gawing e-panitikan ang ating panitikan.
» Papel sa "Philippine Literature on the Web" Literary Session ng
Philippine Centre of International P.E.N. National Conference 2000 sa temang "Globalizing Philippine Literature: Perils and Possibilities" na ginanap sa Oasis Resort, San Fernando City, La Union noong November 25, 2000