ANAK NG BULKAN

Dear Ate Charo,

Disyembre Bente Sais ng ang isang samahan ng Kaisahan ng Mamumundok na Taga-lungsod (MMS – Ma Ma Sa, hindi mamasan) ang naglakbay tungong isla ng Kamigin sa may gawing Kagayan de Oro upang magbakasyon. Isiningit na rin nila sa kanilang mithiin ang pag-arok ng ituktok ng bundok ng Hibok- Hibok. (Ngunit di maikakaila na nasa dugo na nila ang pamumundok kaya ang biyahe ay nagmistulang isang pag-akyat at hindi bakasyon).

Ng masilayan ng grupo and bundok sa di kalayuan ay lalong nag-init ang kanilang mga pagnanasang maarok ang alindog ng ituktok ng bundok na malamisteryosong nababalutan ng ulap. Ngunit sila ay nagalinlangan sapagkat isang kasapi ng samahan (itago na lang natin sa pangalang Ed Okampo) ang nagsabing apat na araw ang kailangan upang maakyat ang bundok. Isa pang dahilan ay ang panganib na ipinamalas ng kanyang nakaraan ng may anim na raan ang kinitil ng bulkan sa kanyang pagsabog. Isa pa rin kadahilanan ay ang kamahalan ng serbisyo ng taga-gabay na nasa lima hanggang pitong daang piso. At isang isa na lang na dahilan ay ang panganib na masilayan si Goliat- ang anak ng bulkan na sinasabing sa bundok na ito isinilang. (Mababatid nating sa kapanahunang ito ipinalabas sa mga sinehan ang makabagong bersyon ng pelikula ngunit kami’y namangha dahil ipinagdiwang din sa islang ito ang kanilang sariling pestibal ng pelikula nakinabibilangan ng anak ng bulkan …ni Pernando Po nga lamang at Adarna ni Dolpy).

Dahil nga sa kami ay mga masigabong mamumundok, pinilit naming akyatin ang nasabing bundok. Una naming nagawan ng katugunan ang serbisyo ng gabay. Nag-abang na lamang kami ng mga dayuhang aakyat na may sariling gabay at kami’y sumunod na lang dito – iba talaga ang Pinoy ! Ito ang magpapatunay na ang mga myembro ng samahan ay may likas na katalinuhan at kakuriputan. Sumunod ay ang pagka-saliksik na hindi pala apat na araw ang kailangan sa pag-akyat ng bundok kundi anim. Anim na oras akyat at baba. Bagamat Disyembre ay tag-ulan dito at ang bundok ay nakukublihan ng ulap, di maikakaila ang taglay na kagandahan at alindog ng hiyas ni Aling Migin (Ka-Migin) na bundok ng Hibok Hibok. Pagkatapos bumaba at magbabad sa nagiinit na lawa ng bulkan (bukal), kami’y nagwikang – anak ka ng bulkan !

(kung inyong mababatid ang mala- Xerex ng Abante istilo ng panulat na aking ginamit ay dahil ginugunita natin ngayon taon ang ating sentinial ng pakasarili. Mabuhay tayong nga mamumundok ng kabihasnan. Naway maarok nyo ang kaligayahang dulot ng pagsakop ng naggagandahang, malulusog at mabibilog na mga bundok ng Pilipinas – MMS towards Philippines 2000).

1