BALITA Hunyo 14, 2005 Dating COMELEC Chair Christian Monsod, sinabing boses ni Garcillano ang nasa tape "Marumi at notoryus ang rekord sa pandaraya ni Garcillano; di niya maitatanggi na boses niya ang nasa tape na kausap ni Gloria" – KMU Sinabi ng Kilusang Mayo Uno na kailangan ding masusing imbestigahan si Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Virgilio Garcillano na malinaw na siyang nagsasalita sa mga kontrobersyal na audio tapes. Sa isang panayam sa radyo ngayong umaga, mismong si dating COMELEC Chair Christian Monsod ang nagsabi na sa kanyang palagay ay kay Garcillano nga ang boses na marininig sa mga audio tapes. Alam na alam ni Monsod ang boses ni Garcillano dahil matagal silang nagkasama at nagkatrabaho sa COMELEC. Ayon pa kay Monsod, dati nang may record ng mga kaso ng pandaraya si Garcillano lalo na noong 1986 Snap Elections. Iginiit ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU na maruming-marumi ang reputasyon at record ni Garcillano bilang opisyal ng COMELEC kaya't hindi siya dapat na pagtiwalaan ng taumbayan. "Kung matatandaan natin, ini-appoint ni Gloria si Garcillano bilang COMELEC Commissioner noong Pebrero 2004 sa kabila ng maraming pagtutol at kwestyon mula sa publiko at oposisyon. Sadyang inilagay ni Gloria si Garcillano sa COMELEC para maging operator ng malawakang pandaraya sa eleksyon. Sa pandaraya bihasa si Garcillano, kaya posibleng nagpagamit siya sa kampo ni Gloria para manipulahin ang resulta ng eleksyon lalo na sa Mindanao," ani Labog. Sinabi pa ng lider manggagawa na dapat ring tugisin ng mga awtoridad si Garcillano dahil sa malaking kasalanan niya sa mamamayan na pagtatago ng katotohanan. Bukod pa sa sinabi ni Monsod na boses ni Garcillano ang nasa tape, napatunayan rin ng mga dayuhang eksperto na tunay at hindi dinoktor o ginaya ang mga boses na nasa audio tapes. "Hinahamon namin si Garcillano na kung hindi talaga niya boses ang nasa tape, magsalita siya sa harap ng publiko at magpa-interview siya sa media para marinig ng lahat ang boses niya at maikumpara sa boses sa audio tapes. Nagtatago siya dahil talagang may itinatago siya," pagtatapos ni Labog. Reference: Elmer Labog, KMU Chairman 0920-6388960