Beijing ang naituring kong tahanan sa loob ng anim na araw noong Hulyo 2-7, 1998. Ang pakiramdam ko ay nasa sariling bayan din ako, sapagkat napagkakamalan nila akong Intsik rin. May mga nakasalubong ako sa paglalakad ko sa mga lansangan na kinakausap ako sa wikang Intsik, at nagtatanong pa ng direksiyon sa patutunguhan nila. Kahit nga ang mga tauhan sa hotel, kung batiin ako ay sa wikang Intsik, at ang dinadalang pahayagan sa aking silid ay ang sa Intsik! Kaya buong tapang kong nasubukang sumakay sa bus, dahil hindi naman halatang hindi nila ako kalahi!
Narito ang mga larawang kuha sa kapitbahayan ng aming tahanang hotel.
Ang tahanan ay ang Beijing International Hotel.
Bababa sa underpass upang makatawid sa kalsada.
Ang kalsadang kinaroroonan ng underpass ang papuntang
Tian'anmen, ang kalsadang kanugnog nito ang papunta
sa Grand Central Railway Station.
Cofco Plaza, kung nasaan ang McDonald's , at Henderson Center, kinaroroonan
ng
Dragonair, sa kabilang ibayo lamang ng aming tahanang hotel.
Magtitinda ng omelet sa bangketa. Tinikman ko ito.
Mainit dahil bagong hango, maanghang at masarap!
Ang musikero sa underpass na dinadaanan ko upang makatawid sa
kabilang ibayo ng kalsada. Madamdaming mga himig ang tinutugtog
niya sa instrumentong iyon. Humingi muna ako ng pahintulot bago
ko siya kinunan ng larawan.
Ang Grand Central Railway Station. Pinadadaan nila sa x-ray ang mga
bagaheng
isasakay sa tren, katulad rin ng ginagawa sa mga paliparan.
Ang kinakainan ko ng agahan, at binibilhan ng binabalot at binibitbit
na hapunan. Makikitang lumalabas sa pinto ang isang tao.
Nakikita sa salamin sa dingding ang kabuuan ng loob ng restaurant.
Isang mahiyaing batang babae sa restaurant.
Mga dagliang kaibigan sa restaurant. Tinuruan nila ako ng tamang
pagbigkas sa mga salitang Intsik, at dinagdagan nila ng marami pang
salita at pangungusap ang konting salitang Intsik na nalalaman ko.
Ang almusal. Lugaw, mani, gulay at itlog na maalat.
Ang Beijing, kung umuulan. Kuha ang larawang ito buhat sa umiikot
na restaurant ng hotel na nasa ika-28 palapag.
Forbidden City (The Palace Museum) -- hindi na bawal puntahan.
Alalahanin ang sineng 'The Last Emperor'.
Sa Mutianyu section ng Great Wall, ang kaisa-isang larawang
kinuha ko ay ang sa matandang ito na humiram ng aking
binoculars, sumilip, at buong siglang iniaabot ito sa katabing
higit na nakababata.
Ang airport expressway, sa umaga ng aking paglisan.
Napakagandang malawak na daan na 18 km ang haba
na luntian sa magkabilang panig.
Ang welcome gate ng Beijing.
Hanggang sa muli, Beijing!
Hello, Hongkong!
Ang kumikinang na bagong Hongkong International Airport
na pinangalanang Chek Lap Kok.